naisip ko lang kanina, napakaswerte ng mga taong umaalis. kahit mapipilitan silang iwanan ang mga mahal nila, may bagong lugar upang bumuo muli ng panibagong buhay. ngunit paano naman ang mga naiiwan? ang hirap gumising na lamang at mapapansin mong pareho parin lang buhay. eto parin ang buhay na kinagawian mo. ang tanging nagbago ay wala na siya. narito ka parin sa lugar na makapagpapaalala sa'yo ng mga sandaling kasama mo siya. mahirap lalong lumimot, bumitaw at kumawala sa mga alaalang pumapako sa'yo sa mahal mo.
kaya wag kang magtataka kung bakit marami sa mga nagmamahal sa'yo ay pinamimigay ka sa iba. ayaw na nilang kumapit sa'yo at sa posibilidad na hindi mo sila maiiwanan. bago ka tuluyang umalis, uunahan ka na nila. sana wag kang malungkot na ganyan sila. natatakot lang silang maiwanan mo dahil sa totoo lang, napakahalaga mo.
pero para sa akin, hindi mangyayari ang ganitong bagay. hindi ko nanaising ipamigay ka sa iba para lang hindi ako masaktan at umasa at maghintay sa muli mong pagbabalik. hihintayin ko ang sandaling iyon kahit abutin pa ito ng tatlong taon o higit pa. hawak mo sa iyong kamay ang puso ko. ano pa bang magagawa ko?
hindi malapit ang india. posibleng sa panahong naroon ka ay hindi man lang tayo magkita ni minsan. pero gagawa ako ng paraan. eeffort ako. kahit hindi ka naman nagdedemand ay umeeffort parin naman ako. siyempre. ikaw un. ika'y mahalaga. at oo, mahal kita. kaya ngayon pa lang ay pag-iipunan ko na ang airline ticket. may limang buwan pa naman.