Dear ****,
Isinulat ko ang lahat ng bagay na nais kong matagpuan sa maaaring future boyfriend ko. Natakot ako. Natakot ako kasi tumutugma ito sa'yo. Na parang isinulat ko ang listahan na iyon upang umakma sa’yong pagkatao.
Ewan ko lang. o baka naman pinangungunahan ko na ang sarili ko. Masasabi ko ba talagang ikaw na 'yun base lamang sa mga tig-labinlimang minutong usapan natin sa cellphone dahil unlimited ako? O baka naman kelangan pa kita makilala nang mas mabuti.
Sa puntong ito, nag-aalangan akong mahulog sa'yo. Mahirap na nga namang masaktan muli. Oo, alam ko, parte un ng pagmamahal. Ang di kasiguraduhan kung mamahalin ka rin ba niya. Kaya nga lang, medyo pagod na rin ang puso ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko pang magmahal ng isang taong kahit kelan ay hindi naman ako makikita na higit pa sa isang kaibigan. O malala pa dun, nakababatang kapatid ng kaibigan niya.
Pero kahit na hindi ako sigurado at napipinto nanaman ang aking kasawian, tuloy parin ang laban. Alam ko nangyari na sa'kin 'to noon. High school pa tayo at siguro naman ay alam niyong lahat kung gaano nadurog ang aking puso sa pangyayari. Maaaring maulit muli ang insidenteng ito. Hindi mo naman siguro sinasadya pero maaaring masaktan mo ako ng higit pa sa naranasan ko noon. Pero hindi kita masisisi. At hindi kita sisisihin. Kagustuhan ko na ito. Masasaktan lang naman ako kung hahayaan kitang saktan ako. Pero wala naman akong ibang pwedeng gawin. Kasi napagdesisyonan ko nang ituloy ang nararamdaman ng puso ko. Sabihin na nating hindi pa kita lubos na kilala. Sabihin na nating maaaring ibang lalaki ang kilala kong ikaw at ang tunay na ikaw. Kahit na. hindi na ito mahalaga. Ang mahalaga sa'kin ngayon ay makilala at makasama ka.
Sana nga lang ay mabigyan ako ng pagkakataong lubos kang makilala. At siguro, pagdating ng panahon na iyon ay matutukoy ko na kung tama nga ba ang pagkakakilala ko sa'yo o hindi. Maaaring madismaya ako sa matutuklasan ko. Pero maaari rin namang masurpresa ako sa higit pa sa aking inaakala. Sino ba naman ang makapagsasabi sa ngayon na hindi mo kayang higitan ang "dream boy" ko? Kung anuman ang magiging resulta ng aking pagnanais na makilala ka, siguro naman ay mabibiyayaan ako ng kaibigan kung hindi man "kabiyak". (oooh..hehe!)
Kaya sana lang, hayaan mo akong makilala ka.